Sunday, June 11, 2006

INTELEKTWALISASYON NG FILIPINO.

Nais kong ipaliwanag ang ilang mga dahilan kung bakit kailangang iintelektwalisa ang Filipino sa ating bansa, ngunit kailangan muna nating maintindihan kung ano nga ba ang ibig sabihin ng intelektwalisadong wika - kung saan galing ito sa salitang ugat na "intelektwal" o ang pag-iisip at pang-unawa ng isang tao. Kung ganoon, ang intelektwalisadong wika ay nangangahulugan na isang wikang malawak na nagagamit sa isang bansa. Nakakalungkot man isipin, wikang ingles ang itinuturing na wikang intelektwalisado sa bansa natin ngayon, marahil na din ito'y nakasanayan na at limitado ang ating wika pagdating sa maraming bagay-bagay.

Sa pagpapatuloy ng aking sanaysay na ito, ibibgay ko ang ilang mga dahilan sa pagpapalaganap 0 pagpapa-intelektwalisa ng ating wika. Gusto ko munang ibigay ang mga problemang kinahaharap ng ating mga kababayan sa pagkakaroon ng ibang wikang laganap sa sariling bansa:

  • Unang-una, masasabi kong ok lang naman kung Ingles ang laganap na salita sa bansa natin ngayon, ngunit ang problema ay malaking porsyento ng ating bansa ay hindi ganoon ka-matatas sa pagsasalita ng Ingles kaya ang iba ay nagmumukhang hindi edukado kapag sinabing mahina sa Ingles.
  • Pangalawa, mababa ang tingin sa mga taong hindi ganoon mahusay sa paggamit ng Ingles, kaya minsan dinadaan nalang sa tawa ng mga kababayan natin sa mahihirap na lugar kapag nakakarinig sila ng mga Ingles na pahayag.
  • Mahirap din dahil kapag ang isang aralin sa eskwelahan ay nasa-Ingles itinuro at nag-iksamen sa ibang unibersidad na nakasalin sa Filipino, magkakaroon ng problema sa tinatawag na "code-switching".
  • Wala man tayong magawa, problema na rin ang pag-sasalin ng terminolohiya sa Ingles - sa mga propesyong medikal, abogasya atbp.

Ilan lamang iyon sa mga problemang kinahaharap ng ating bansa sa aspetong ito at ito ang aking mga dahilan kung bakit kailangang iintelektwalisa ang Filipino sa atin:

  • Upang magkaintindihan ang isa't-isa sa ating bansa, marami mang dialekto at Lingua Franca sa bansa, magkakaroon pa rin tayo ng isang malawak na salitang bibigkasin.
  • Madaling makibagay sa mga ordinaryo o tipikal na taong nakikita natin sa komunidad.
  • Magiging pantay na ang pagkilala sa mga Pilipino, mahirap man o hindi, dahil isa lang ang malawak na wika na ginagamit. Halimbawa, sa isang klase sa pampublikong elementaryang eskwelahan, kung saan ngayon, nagiging 1st honor madalas lang ang mga batang angat - marunong mag-Ingles kumpara sa mga mahihirap - hindi masyadong pamilyar sa wikang ito.
  • Pati sa mga batas natin, nakasalin sa wikang Ingles, kaya kawawang mga magsasaka, mahihirap na tao, hindi rin maintindihan kapag sila'y may problema pagdating sa batas, halimbawa kapag sila'y pinaaalis ng gobyerno, wala man lang makapagpaliwang sa kanila. Kailangan baguhin na rin ito. Ngayon na.
  • Maipaglalaban ang malayang pamamahayag ng kaisipan.
  • Magkakaisa tayo. Sa paanong paraan? Magkakaroon tayo ng malayang kaisipan, kung magkakaroon ng kaisipang ganito, malaya nating mailalabas ang ating mga saloobin, mungkahi at iba pa, sa gobyerno man o hindi.
  • Uunlad tayo. Kapag nagkakaintindihan tayo ng maayos, malaya tayong makikipagtulungan sa isa't-isa at sa ganoo'y makakasabay tayo sa iba't ibang bansa sa mundo.

Ito ang aking mga dahilan kung bakit kailangan na nating iintelektwalisa ang wikang Filipino, sana'y maging mulat tayong lahat sa nangyayari sa ating bansa. Gising Juan de la Cruz, gising.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home